NADAKIP ang dalawang binata habang nakatakas ang isang hindi pa kilalang kasama nang agawan ng baril ang kalugar na pulis na sakay ng motorsiklo sa Caloocan City, Lunes ng madaling-araw, Mayo 12.
Nahaharap sa kasong robbery sina Michael Felipe, 23, at Leonicel Matacanio, 19, kapwa ng Francisco St., ng lungsod.
Sa pahayag ng biktimang si PO1 Mer Nebre, 27, nakatalaga sa Caloocan City Police, na alas-3:45 ng madaling-araw, dala niya ang kanyang motorsiklo papauwi nang pagsapit sa nasabing lugar ay hinarang ng mga suspek at hinawakan siya sa braso.
Isa sa mga suspek ang nagsisigaw na “pulis ‘yan, pulis ‘yan, kunin ninyo ang baril niyan”, na naging dahilan upang pumalag ang biktima hanggang sa bumagsak kasama ang dalang motorsiklo.
Nasunggaban ng suspek na si Felipe ang Glock 17 ng pulis at mabilis na nagsitakas habang humingi naman ng tulong sa mga kabaro ang biktima.
Sa isinagawang follow-up operation ay nadakip ang dalawang binata habang nakatakas ang kasama at nabawi ang baril ng pulis.
Dinala at sinampahan na ng kaso sa presinto ang mga nahuling suspek.
The post 2 binata dakip sa pang-aagaw ng baril ng parak appeared first on Remate.