KULONG ang isang turistang Hapones makaraang hindi mabayaran ang halaga ng nakonsumong inumin at pagkain sa isang club kagabi sa Pasay City.
Kaagad na ipinabatid ng pulisya sa Japanese Embassy ang pagkakadakip kay Masashi Narita, 42, pansamantalang nanunuluyan sa Rm. 408 Crosswind Hotel, Airport Road, Pasay City matapos ireklamo ng hindi pagbabayad ng P10,686.50 ng pamunuan ng Universe Girl’s Club sa FB Harrison St.
Sa reklamo ni Herninigilda Cabrera, ng 1124 Laguna Ext., Tondo, Manila at assistant manager ng naturang club, pumasok sa kanilang club ang turista pasado alas-11 ng gabi at inokupa ang table no. B-4 bago umorder ng mga pagkain at inumin.
Makaraan ang halos apat na oras na pananatili sa club, ipinasya na ng waitress na ibigay ang bill para sa kabuuang halaga na babayaran ng turista subalit hindi na ito nabayaran ng dayuhan.
Dahil dito, humingi na ng ayuda sa pulisya si Cabrera na naging dahilan ng pagkakadakip sa Hapones.
The post Hapon kulong sa ‘di pagbabayad ng bill appeared first on Remate.