IPINAHAYAG kanina ng isang mataas na opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) na ang napatay na pulis sa nabigong anti-drug operation sa Cavite ay matagal nang AWOL sa pinaglilingkuran nitong police station sa lungsod.
Kinilala ang pulis na si SPO3 Alejandro Ame, nakatalaga sa QCPD partikular sa Station 4.
Ayon kay Supt. Norberto Babagay, hepe ng QCPD Station 4, si SPO3 Ame ay itinalaga sa kanyang himpilan noong May 5, 2014, subalit hindi pa niya kailanman nakikita sa kanyang opisina.
“Ang totoo, itinalaga siya sa ‘min galing Region 2 thru papers lang, pero mismong siya (SPO3 Ame) ay hindi ko nakikita sa opisina,” sabi ni Supt. Babagay.
Dahil dito, dagdag ng opisyal, binigyan niya si SPO3 Ame ng isang linggo para ayusin ang kanyang assign paper, pero nabigo ito dahilan para ilagay na niya ito sa AWOL status.
Giit ni Supt. Babagay, sa nangyaring insidente kung saan si SPO3 Ame ay nagsasagawa ng anti-drug operation sa Cavite ay wala silang kinalaman at kung papaano siya napunta sa ganoong operasyon.
Base sa ulat na nakarating kay Supt. Babagay, si SPO3 Ame ay namatay makaraang paulanan ng bala ang sinasakyan nilang Toyota Innova sa may kahabaan ng Molino St., Bgy. Molino 3, Bacoor, Cavite, alas-3:00 ng madaling-araw.
Magsasagawa sana ng anti-drug operation sina SPO3 Ame kasama ang grupo ng PDEA mula NCR nang maganap ang insidente.
The post UPDATE: Napatay na pulis-QC sa Cavite ambush, AWOL – QCPD appeared first on Remate.