TATLO ang sugatan nang suwagin ng pampasaherong bus ang bakod ng isang construction site na katabi ng isang mall sa EDSA-Quezon Avenue sa Quezon City kaninang umaga, Hunyo 3.
Sinabi ni PO2 Isabelo Pajarilla ng QCPD-Traffic Sector 6, batay sa pakikipag-usap sa drayber ng bus ng Thelman Transit (UVH 875), nakapagpreno naman ito nang papalapit na sa Quezon Avenue MRT station ngunit bigla na lamang nawalan ng kontrol sa manibela at nabangga ang naturang bakod ng construction site na nasa tabi ng Centris mall sa may kanto ng Quezon at Afipanio delos Santos Avenues.
Dalawang pasahero ang bahagyang nasugatan na hindi nakuha ang mga pangalan habang nagtamo naman ng pinsala sa noo ang isang security guarad sa lugar.
Isinugod na sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang mga sugatan para lapatan ng paunang lunas.
Kakasuhan ng reckless imprudence resulting in damage to properties and physical injuries ang drayber ng naturang bus.
The post Construction site sinuwag ng bus, 3 sugatan appeared first on Remate.