ARESTADO ang isang security guard na nakadestino sa Quezon City Hall of Justice matapos nakawan at ibenta ang mga baril at iba pang armas na nasa pangangalaga ng korte bilang mga ebidensya.
Kinilala ang naaresto na si Jic Florentino, 33, nahaharap sa kasong qualified theft and illegal possession of firearms matapos bentahan ng .45 kalibre ng Remington pistol ang isang undercover agent sa isinagawang entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa Philcoa area sa Quezon City.
Ayon kay SPO1 Cristituto Zaldarriaga, tinatayang aabot sa siyam na baril at hand grenade ang nawawala sa opisina ni Judge Wilfredo Maynigo ng QC Regional Trial Court Branch 215.
Dagdag pa ni Zaldarriaga “We believe that the theft was carried out with the help of an insider since there were no signs of forced entry (in Maynigo’s chamber).”
Narekober din kay Florentino ang 50 rounds ng ammunition at dalawang magazines.
Isang empleyado ng nasabing korte ang nagkumpirma na ang baril na ibinenta ni Florentino sa poseur buyer ay isa sa mga nawawalang baril sa opisina ni Maynigo.
Napag-alamang si Florentino ay kawani ng Vigilant Security Agency, na idinestino sa HOJ Annex building kung saan nandoon ang opisina ni Maynigo.
Ang mga baril at armas na tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ay nakatago sa isang kabinet na kahoy sa loob ng judge’s chamber.
Sa isinagawang imbentaryo kasama ring nawawala ang isang .40 cal. pistol, 9-mm pistol, tatlong .45 cal. pistols, dalawang .38 revolver, carbine rifle at granada.
Inaresto ang nasabing guwardiya sa isinagawang operasyon ng QCPD’s Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakakuha ng mga impormasyon sa isang taong minsan ng nakabili ng baril sa nasabing suspek.
Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang posibleng kasabwat ni Florentino sa nasabing pagnanakaw.
The post Bantay-salakay na sekyu arestado sa QC appeared first on Remate.