TADTAD ng bala ang 33-anyos na babae matapos pagbabarilin habang abala sa pagsusugal sa lamay ng kanyang namatay na tiyahin, kaninang madaling-araw sa Balut, Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Mary Rose Flores, ng 96 A. Nepa St., Balut, Tondo.
Nakatakas naman ang suspek na inilarawang may taas na 5’5-5’6, maskulado, maitim at nakasuot ng itim na sumbrero.
Sa report, naganap ang insidente alas-2 ng madaling-araw sa harap ng 98 A. Nepa St., Balut, Tondo, Maynila.
Nakikipaglamay ang biktima sa namatay na tiyahin at habang abala sa pagpusta sa sugal ay nagpanggap namang pupusta ang suspek.
Nang magkaroon ng pagkakataon ay bigla na lamang pinagbabaril ang biktima ng .45 kalibre ng baril.
Nagkatarantahan naman ang mga taong naglalamay nang makitang duguan ang biktima kaya nagtakbuhan na sinabayan naman ng pagtakas ng suspek.
Inaalam na ang motibo sa krimen.
The post Bebot tinodas sa lamay ng tiyahin appeared first on Remate.