BINITBIT ng mga awtoridad ang isang 32-anyos na Koreano matapos na magwala at manakit sa loob ng isang Disco Bar, kaninang madaling-araw sa Malate, Maynila.
Nakakulong ngayon sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS), ang suspek na si Lee Song Hun, Korean national, nanunuluyan sa 3325 City Land Tower 1, Pablo Ocampo St., Malate, Maynila.
Nabatid kay PO3 Jay Jacob, ng MPD-GAS, naganap ang insidente ala-1:30 ng madaling-araw sa loob ng Exklusibong Disco Bar na matatagpuan sa 1917 Adriatico St., Malate, Maynila.
Ayon naman kay Gretchen Alberto, 25, lady bouncer, ng 3145 Int. 6 Pilar St., Manuguit, Tondo, Maynila, kasama nitong nagtungo sa disco bar ang kanyang mga kababayan subalit nang magsialisan ay nagpaiwan pa ang suspek.
Ilang sandali pa ay bigla na lamang binibitbit ng suspek at sinasakal ang waiter na si Jayson Brian Laudenio at saka naghihiyaw ng “Fuck you Filipino”.
Inawat umano ito pa ng isang waiter ngunit maging siya man ay itinulak din ng Koreano.
Bunsod nito, humingi ng responde ang mga bar staff sa MPD-PS 5 at nang dumating ang mga pulis ay dinala ito sa MPD-GAS.
Base sa nakuhang impormasyon ng pulisya, pangalawang beses na ang ginagawang pagwawala ng suspek sa Bar.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang suspek sa Manila Prosecutor Office.
The post Koreano nag-amok sa bar, kalaboso appeared first on Remate.