“ANG kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Ang naturang kasabihan ay taliwas sa nangyayaring sitwasyon ngayon dahil sa tumataas na bilang ng krimeng kinasasangkutan ng mga kabataan.
Kabilang dito ang naganap na panghoholdap ng apat na kabataang kalalakihan sa apat na pasahero kung saan isa sa mga naging biktima nila ay isang guro matapos magpanggap na pasahero ang mga suspek sa isang pampasaherong jeep kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Pasay City Police ang mga biktimang sina Ma. Theresa Barizo, 41, teacher, ng Paranaque City; Gil Gahum, 24, binata, security guard, ng Navotas City; Aldous Amador, 31, may asawa, empleyado ng isang Airline, ng Bacoor, Cavite at Erica Agustine, 26, may asawa, ng Libertad, Pasay City makaraang holdapin at tangayin ang kanilang mga mahahalagang gamit ng apat na kabataang suspek.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng apat na suspek na pawang armado ng mga patalim, tinatayang nasa edad 18-20, at nakasuot ng sombrero na tumakas tangay ang mahahalagang gamit ng mga biktima.
Batay sa isinumiteng ulat kay S/Supt. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay City Police, alas-7:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Andrews Avenue, Villamor Air Base ng naturang lungsod.
Nauna dito, sakay ang mga biktima kasama ang mga suspek na nagpanggap na pasahero sa isang pampasaherong jeepney na may rutang Nichols-Baclaran nang biglang naglabas ng patalim ang mga suspek sabay nagdeklara ng holdap.
Nilimas ng mga suspek mula sa mga biktima ang kanilang mga cellphone, laptop, alahas, personal na gamit mga pera, ATM at IDs.
Matapos makuha ng mga suspek ang mga gamit ay sabay-sabay na nagsibaba ang mga ito mula sa nasabing jeep at naglakad lamang ang mga ito palayo sa pinangyarihan ng insidente.
Samantala, patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung mayroon nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa pinangyarihan upang alamin kung nahagip ang mga nakatakas na suspek.
The post 4 kabataan, nanlimas sa jeep sa Pasay appeared first on Remate.