PINAGHAHANAP na ng pulisya ang isang recording artist na suspek sa pananaksak kagabi sa Barangay Guadalupe, Makati City.
Kinilala ang suspek na si Sherwin Andrada, recording artist ng Star records ng ABS-CBN na pinaghahanap matapos manaksak ng isang lalaki.
Ayon kay Francis Gonzales, tiyuhin ng biktimang si John Matthew Tamonte, pumunta ang kanyang pamangkin sa bahay ng suspek alas-11:00 ng gabi, subalit makalipas lamang ang 15 minuto ay bumalik itong tadtad na ng saksak.
Nasa kritikal na kondisyon si Tamonte sa ospital matapos magtamo ng tatlong saksak sa likod, isa sa leeg at isa sa mukha.
Ani Gonzales, blangko rin ang kanyang pamangkin kung bakit ito sinaktan ni Andrada gayong magkaibigan sila.
Ayon naman sa Bantay Bayan ng barangay, hindi ito ang unang reklamo laban sa singer.
Una na rin itong isinumbong dahil sa pananaksak at pamamaril pero hindi natuloy ang pagsasampa ng kaso dahil naareglo ang mga nakalipas na insidente.
Huling namataan si Andrada nang umalis lulan ng kanyang sasakyan patungong EDSA.
Si Andrada ay naging finalist ng Himig Handog Pinoy Pop Love Songs.
The post Recording artist wanted sa pananaksak appeared first on Remate.