Tacurong City, Sultan Kudarat – Tukoy na ng pulisya ang utak sa pagpaslang kay Kabacan, North Cotabato Vice-Mayor Policronio “Pol” Dulay.
Sa ulat ni Cotabato PNP provincial director S/Supt Danilo Peralta, positibong itinuro sina Jomar Utala at Betong Mangilid na bumaril sa bise-alkalde at si Kabacan mayoralty candidate Jabib Guiabar ang itinurong mastermind.
Todo tanggi naman si Guiabar sa akusasyon ng mga suspek base kasunod ng lumabas na imbestigasyon ng Special Investigation Task Force Dulay.
Tiniyak ni Guiabar na haharapin niya sa korte ang paratang laban sa kanya.
Matatandaan na si Vice Mayor Dulay ay pinagbabaril malapit sa kanto ng University of Southern Mindanao sa nabanggit na bayan noong Enero 11, 2013.
Samantala, tatanggapin naman ng mga taong nagturo sa pagkakilanlan ng mga salarin ang P600,000 na reward money.