SWAK sa kulungan ang apat na mister kabilang ang magkapatid na mga kawatan nang maaktuhan ang mga ito ng caretaker ng isang pabrika Linggo ng umaga, June 22 sa Malabon City.
Kinilala ang mga suspek na sina Ego Morales, 25, obrero ng Guyabano St., Renato Pacheco, 43 ng #131-Macopa St., at magkapatid na sina George, 25, at Jay-R Ferrer, kapwa ng #129 Macopa St., Brgy. Potrero ng nasabing lungsod.
Sa ulat ni PO3 Cleo Bejar, dakong 6:45 ng umaga nang matyempuhan ang mga suspek sa aktong pagnanakaw ng mga scrap na stainless sa compound ng PI Industrial, Inc. na matatagpuan sa Industrial Road, Brgy. Potrero ng nasabing lungsod.
Salaysay ni Hannibal Rayco, 30, caretaker ng nasabing compound, kagigising lamang niya nang makita ang apat na suspek sa likod ng pabrika na ikinakarga na sa sako ang kanilang mga nakulimbat.
Dito na mabilis na humingi ng tulong si Rayco sa mga awtoridad dahilan upang huling-huli na umaakyat sa hagdang kahoy na inilagay sa pader ng compound tangay ang mga ninakaw.
Nakatakdang kasuhan ng pagnanakaw ang mga naarestong suspek.
The post 4 kalaboso sa aktong pagnanakaw appeared first on Remate.