NAKATAKDA nang dumating sa bansa, simula bukas, Hunyo 28 hanggang Hulyo 18, ang iba’t ibang batch ng OFWs mula sa Sierra Leone, West Africa dahil sa pag-atake ng ebola outbreak sa lugar.
Ayon kay NAIA Quarantine Doctor Noel Ramirez, nakipag-ugnayan ang manning agencies ng 20 OFWs sa Department of Foreign Affairs (DFA), para hingin ang kanilang tulong sa pag-alis sa bansa.
Nagpasya ang mga OFWs na bumalik sa Pilipinas makaraang ideklara ng medical at humanitarian organization na Doctors Without Borders, na out of control na ang sakit na ebola.
Ang ebola ay isang severe acute viral illness na nagsisimula bilang lagnat na maaaring mauwi sa trangkaso, pagkasira ng kidney at liver function at kung minsan ay mayroon pang internal at external bleeding.
Samantala, nagpatawag na ng 11-nation meeting ang World Health Organization (WHO) para makahanap ng solusyon sa ebola outbreak.
Ayon sa WHO, kailangan ng “drastic action” para masugpo ang sakit na tumama na sa 635 na indibidwal, kabilang ang 399 na namatay.
Mula noong nagsimula ang paglaganap ng ebola virus noong Enero, nakapagpadala na ang WHO ng mahigit sa 150 eksperto, pero sa kabila nito ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso.
Binigyang-diin ni WHO Regional Director for Africa, Dr. Luis Sambo, na nakakabahala ang paglipat ng sakit sa iba’t ibang bansa at sa lawak nito, maaari na itong ituring na sub-regional crisis.
The post OFWs mula Africa, uuwi ng Pinas dahil sa Ebola outbreak appeared first on Remate.