DAHIL sa matinding selos, kinatay ng isang lalaking may kapansanan sa pagsasalita ang kanyang misis na tulad niya ring pipi sa Ilocos Norte nitong Linggo ng gabi, Hunyo 29.
Dead-on-the-spot sanhi ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Yvette dela Cruz, 29, habang nakakulong na at sasampahan ng kasong parricide ang suspect na si Mark Neal dela Cruz, 28, kapwa residente ng Barangay 9, San Nicolas, Ilocos Norte.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8:15 nitong Linggo ng gabi sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Ayon kay Macario dela Cruz, tatay ng suspek bago ang insidente ay narinig niya ang kanyang manugang na si Yvette na sumisigaw sa bahay ng kanyang nanay kaya napabalikwas siya sa panonood ng telebisyon para tingnan ang nangyaring komosyon.
Pero sa kanyang pagsilip, nakita niyang duguan ang kanyang manugang at nakahandusay sa sahig habang hawak naman ng kanyang anak ang kutsilyong may dugo.
Nasugatan pa si Macario nang agawin niya ang kutsilyo sa kamay ng kanyang anak na agad ding isinuko sa pulisya para pananagutin sa krimen.
Kasama sa salaysay ni Macario sa San Nicolas PNP ang pagbanggit sa kanya ng anak na may ibang lalaki ang kanyang asawa.
The post Pipi todas sa selosong mister na pipi rin appeared first on Remate.