KINUMPIRMA ngayon ni Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Asuncion na anak ng isang retiradong heneral ng PNP ang isa sa tatlong estudyante ng De La Salle-College of St. Benilde na nasugatan sa hazing nitong Sabado.
Gayunman, tumanggi si Asuncion na tukuyin o kilalanin ang heneral o ang biktima.
Una nang lumutang na isang “General Raval” ang may-ari ng condominium unit sa One Archer’s Place na dinatnan ang tatlong sugatang hazing victims kasama ang namatay na kapwa-estudyante ng St. Benilde na si Guillo Cesar Servando.
Wala namang impormasyon ang MPD sa sinasabing kaanak o anak ng politiko na sangkot sa insidente.
Kasabay nito, inihayag ng MPD na ngayong Martes ay pupuntahan nila pinangyarihan ng initiation rites kasama ang isa sa mga nakaligtas na biktima.
Samantala, pinaiimbestigahan na ng Department of Justice (DoJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkamatay ng isang De La Salle-College of St. Benilde Student dahil sa hazing.
Inatasan ni Justice Sec. Leila de lima si NBI Director Atty. Virgilio Mendez na makipagtulungan sa Philippine National Police at magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Ang NBI Death Investigation Division ang siyang tututok sa kaso sa pagkamatay ng 18-anyos na si Guillo Cesar Servando.
The post Isa sa 3 biktima ng hazing, anak ng retired PNP General appeared first on Remate.