ARESTADO ang dalawang babae na hinihinalang mga illegal recruiter matapos ang isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang mall sa Maynila.
Hawak ngayon ng MPD-General Assignment Section ang mga suspek na sina Jocelyn Capaycapay, alyas Michelle Hilario, 33, at isang Mylene Espinosa, 45, pawang mga residente ng Road 12 NDC cmpd., Pureza St., Sta. Mesa, Manila.
Ang pagkakaaresto ng dalawa ay bunsod ng reklamo ni Jenny Lagarto, 37, ng No. 46 Sampaloc Site, BF Homes, Paranaque City sa nasabing tanggapan.
Sa report nina PO3 Rodel Benitez at PO3 Jayjay Jacob ng MPD General Assignment Section, naaresto ang dalawa sa isang kilalang mall sa Arrocerros, Ermita, Manila.
Napag-alaman na inalukan umano ng mga suspek ng trabaho sa ibang bansa ang biktima kung saan ay hinihingan si Lagarto ng P10,000 para umano sa processing, medical at miscellaneous fees.
Dito na nagduda ang biktima kaya nakipag-ugnayan siya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at nadiskubreng hindi otorisado ang dalawa na magpadala ng mga empleyado sa ibang bansa.
Samantala, sasampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 8042 o illegal recruitment at Estafa ang mga suspek.
The post 2 babaeng illegal recruiter kalaboso appeared first on Remate.