BUKING ang isang driver sa pagpanggap nitong nakarnap ang pinapasadang taksi nang mapag-alaman sa isinagawang follow up operation ng pulisya sa Sta, Mesa, Maynila na “carnap me” ang nangyari.
Himas-rehas ngayon sa detention cell ng MPD-Anti Carnapping Unit (ANCAR) si Renato Brinquez ng 17 Avocado St., Cupang, Antipolo City.
Sa report ni Sr. Insp. Rizalino Ibay, Hepe ng MPD-ANCAR, dakong 2:00 ng madaling araw nang personal na nagreklamo sa kanilang tanggapan si Brinquez na nakarnap ang minamaneho niyang taxi (UVR 974), na pag-aari ng isang Alma Mirano.
Sa salaysay ni Brinquez, dakong 9:00 ng gabi nang umano’y may sumakay na dalawang lalaki sa may Sta. Mesa subalit pagdating sa kanto ng Domingo Santiago at G. Tuzaon sts. ay nagdeklara sila ng holdap.
Pinalipat umano siya ng mga “holdaper” sa likurang upuan ng taksi katabi ang isa pang suspek na tinutukan siya ng baril.
Nang nakatiyempo umano si Brinquez ay nakatalon siya na nagresuta sa sugat sa kanyang tuhod at tuluyang nakatakas.
Nagsagawa naman ng follow up investigation ang MPD-ANCAR at nalaman na 8:30 pa lamang ng gabi ay nakaparada na ang taxi sa Blumnetritt, G. Tuzaon.
Lumabas din na ang maliit nitong sugat sa kanyang tuhod ay tatlong araw na niyang sugat matapos siyang ipa-medical ng pulisya.
Paniwala ni Ibay na posibleng nag-inom o natalo sa sugal si Brinquez kaya naubos ang boundary at para makalusot ay gumawa siya ng “carnap me”
Nahaharap sa kasong perjury at qualified theft si Brinquez.