NAALARMA ang pamunuan ng isang paaralan matapos umanong saniban ng masamang espirito ang 10 mag-aaral sa Barangay Lapasan sa lungsod ng Cagayan de Oro.
Ito’y matapos magwala ang mga mag-aaral mula sa Lapasan National High School.
Ayon kay Chona Valendez, chairman ng Grade 7 ng naturang paaralan, bigla na lamang nawala sa katinuan ang pitong mag-aaral na sinundan pa na tatlong estudyante.
Ani Valendez, nagsimula ang pagsanib ng mga espirito noong Lunes.
Ito ang dahilan kung bakit natatakot at hindi mapakali ibang mag-aaral sa nasabing eskwelahan.
Samantala, inihayag naman ni Dr. Mark Baldomero na siyang school physician ng Department of Education (DepEd) na walang katotohanan ang kumalat na balita.
Iginiit nito na isang mass hysteria lamang ang nangyari sa mga bata taliwas sa sinasabing pagsanib ng espirito.
Agad namang rumesponde ang iba’t ibang grupo ng simbahan upang magsagawa ng pray over sa mga biktima.
Inihayag ni Victor Dionela ng Catholic Faith Defenders, Pastor Boy Salcerang at Pastor Lanie Ginayhat ng Evangelical Christian Churches na ramdam nila ang presensya ng mga masamang espirito sa paligid ng paaralan.
Dahil dito, nagsagawa sila ng pray over sa mga biktima hanggang sa kumalma ang mga bata.
Balik naman na sa normal ang sitwasyon sa paaralan habang nagsasagawa pa ng karagdagang imbestigayon ang pamunuan ng paaralan.
The post 10 bata sa CDO, sinapian appeared first on Remate.