SWAK sa kulungan ang isang 49-anyos na lalaki matapos ireklamo ng isang 26-anyos na babaeng ginawa niyang sex slave ng may isang taon at kalahati sa isinagawang operasyon ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) sa labas ng Manila Medical Center sa may UN Ave., Ermita, Manila.
Kinilala ang suspek na si Arnold Rosal, technician ng 2438-A Lemery St., Singalong, Malate, Manila.
Bago ang pag-aresto, nagtungo ang biktimang si Melissa Ktrina Vitales, buntis, call center agent at residente ng Brgy. Wawa, Tanauan City sa MPD-Women’s Desk para ireklamo ang ginawa sa kanya ng suspek.
Nabatid na nagkaroon umano ng pagkakataon ang biktima na makatakas sa suspek kaya nakapag-report ito sa pulisya.
“Tinatakot umano ‘yong biktima at saka ‘yong pamilya nito at hindi pinaalam kung nasaan siya kapag umaalis ay ikinakandado ‘yong pinto at kapag lumabas ay pinasasamahan siya,” ayon sa otoridad.
Nagkunwari umano ang biktima na nakunan kaya pinapunta ang suspek sa MCM at nang lumabas ay dito na pinosasan.
Ayon pa sa biktima, kinuhaan siya ng sex video ng suspek.
The post 49-anyos, timbog sa pangrereyp sa 26-anyos appeared first on Remate.