NAKUWELYUHAN ng awtoridad ang lider ng kidnap-for-ransom at robbery gang sa Zamboanga Sibugay province kaninang madaling araw (Pebrero 21).
Sinabi ni Senior Superintendent Jonathan Perez, provincial police director, na sa ikinasang pagsalakay ay nahuli ang suspect na si Elmas Guilingan alyas Omar mula sa kanyang hideout sa border ng barangays Guilingan at Fatima sa Payao town dakong 2 a.m.
Sinabi ni Perez na dinampot si Guilingan dahil sa serye ng kaso tulad ng multiple murder at kidnapping. Dinala ito sa provincial police office para ikulong.
Sinabi rin ni Perez na ang suspect ay sangkot sa pagdukot sa negosyante sa Kabasalan town noong 2011 na ang mga biktimang sina Joel Endino at Reynaldo Drapeza ay pinalaya matapos magbigay ng malaking ransom payments.
Si Guilingan din aniya ang positibong kinilala na umambus kay Chief Inspector Ariel Huesca sa Kabasalan town.
Ani Huesca, na ngayon ay spokesman ng police regional office sa lugar, siya ang hepe ng Ipil town police nang sila ay atakihin ng grupo ni Guilingan. Sa kabutihang palad, hindi siya tinamaan ng bala sa ambus.
Sinabi rin ni Perez na ang grupo ni Guilingan ay sangkot din sa serye ng robbery, hold-up at carnapping incidents sa probinsya.