MAKALIPAS ang anim na oras, sumuko na sa mga pulis ang lalaking nang-hostage sa kanyang mag-iina sa Caloocan City kaninang umaga.
Kinilala ang suspek na si Jerry De Leon, ng Phase 2, Bagong Silang ng lungsod.
Sa ulat, alas-9 ng umaga nang ihostage ng suspek ang dating ka-live-in na si Rebelyn Degado kabilang ang mga anak na sina Patricia, 5 at Jerbelyn, 17 ng nasabing lugar.
Nabatid na kaninang umaga ay pinuntahan ng suspek ang mag-iina sa nasabing lugar at hinimok na makipagbalikan si Degado.
Nang hindi pumayag ang babae ay nag-init ang ulo ng suspek at kumuha ng kutsilyo bago hinostage ang mag-iina.
Nang malaman ng ilang kapitbahay ang pangyayari ay tumawag sila ng mga pulis kung saan agad namang pinakawalan ng suspek ang dalawang anak.
Sa pakiki-ugnayan ng mga pulis ay nalaman ang hiling ng suspek na kahit hindi na sila magkabalikan ni Degado ay makipagkalas na lang ito sa kasalukuyang ka-live-in upang maalagaan nang husto ang mga anak.
Alas-3, nagpasya ang suspek na sumuko na, naging dahilan upang dalhin sa pagamutan dahil na rin sa mga mababaw na sugat sa katawan bunsod sa tangkang pagpapakamatay bago dalhin sa presinto upang harapin ang mga posibleng ikaso sa kanya.