PATAY ang isang construction worker matapos gulpihin ng kasama dahil sa pagiging mapapel umano ng una sa kanilang trabaho sa Valenzuela City, Linggo ng hapon.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga bugbog sa katawan si Dionisio Dadivas, 47, stay-in sa Lingunan Dumpsite, Lingunan ng lungsod.
Nadakip naman si Alexander Eco, 28, ng Moring Glory St., Tagalag ng lungsod.
Sa ulat, alas-3 ng hapon, kainuman ng biktima ang mga kasamang sina Melvin Trinidad at suspek sa kanilang barracks sa Lingunan nang sabihan ni Eco si Trinidad na umuwi na dahil nag-text umano sa kanya ang ka-live-in nito.
Umuwi naman si Trinidad habang hinatak ng suspek ang biktima sa labas ng barracks at doon na ito pinagbubugbog kung saan umawat pa ang ka-live-in ni Eco na si Rosalyn.
Makalipas ang ilang sandali pa ay sinipa ng suspek ang biktima sa katabing creek at inuupuan pa sa likod habang binubugbog saka umalis at pinuntahan ang isang kasamahan sa Tagalag ng lungsod upang sabihin na nalunod ang biktima at patay na dahilan upang itawag sa mga pulis.
Nang tingnan ang bangkay ng biktima ay napansin ang mga pasa sa mukha at katawan at dahil ang suspek ang huling kasama ay dinala ito sa presinto upang maimbestigahan.
Lumalabas na ilang beses nang nagtalo ang biktima at suspek dahil sa palaging pagmamarunong ng una sa trabaho. RENE MANAHAN