NANANATILING malakas ang Typhoon Glenda habang binabagtas ang karagatan sa bahagi ng Catarman, Northern Samar at papalapit sa kalupaan.
Dahil dito, mula sa pitong lugar ay mas maraming lugar na ngayon sa Bicol at Visayas area ang isinailalim sa storm signal no. 3 kabilang ang mga lalawigan ng Catanduanes, Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, Masbate kasama ang Burias & Ticao Island, Quezon, Marinduque, Northern Samar, at nothern part ng Samar at Eastern Samar.
Nakataas naman ang signal no. 2 sa Metro Manila, sa nalalabing bahagi ng Quezon, kasama ang Polilio Islands, Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan, Biliran, sa nalalabing bahagi ng Samar at ng E. Samar at northern part ng Leyte.
Signal no. 1 naman sa Romblon, Occidental at Oriental Mindoro, Lubang Island, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Pangasinan, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Aurora at katimugang bahagi ng Leyte at Camotes Island.
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna at may pagbugsong papalo sa 150 kph.
Paalala ng PAGASA sa mga residenteng nakatira sa mabababa at bulubunduking lugar na nakataas ang signal no. 2 at 3, maging alerto sa posibleng landslide at flash floods gayundin sa posibleng storm surge na maaaring umabot ng isa hanggang tatlong metro.
Katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan (7.5-20 mm per hour) ang dala ni Glenda. Mararamdaman ito sa loob ng 500-kilometro diametro ng bagyo.
Hindi pa rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na lumakas pa ang bagyo dahil nasa karagatan pa ito.
Sa nakaambang pag-landfall, babagtasin ng bagyo ang Metro Manila. Ito’y kung hindi magbabago ng direksyon at bilis ang bagyo.
Posibleng alas-9:00 hanggang alas-11:00 Miyerkules ng umaga ito lumapit sa NCR pero madaling-araw pa lamang posible nang maramdaman ang epekto nito.
Kasalukuyang nasa signal no. 2 ang Kamaynilaan ngunit posibleng itaas ito ngayong hapon o gabi.
Inaasahang lalabas ng kalupaan ang bagyo sa bahagi ng Zambales. Robert C. Ticzon