MAY nakakabit pang pusod at inunan sa tiyan ng isang sanggol na natagpuang nakasilid sa kahon ng sapatos at binalot ng plastic bag kaninang umaga sa likod ng Manila Post Office sa Lawton, Ermita, Maynila.
Hinihinalang kamamatay pa lamang ng sanggol na natagpuan dahil may nakakabit pang pink na tag sa paa ng bata mula sa ospital na pinanganakan nito.
Ayon naman sa ulat ni SPO4 Dennis Javier ng Manila Police District Homicide Division, dakong 7:00 ng umaga nang ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ng isang basurero ang nakitang sanggol sa nakilalang si Mitchie Belle Rendante.
Gayunman, kahit na nalaman ng mga awtoridad ang pangalan ng sanggol ay hindi naman nakalagay sa tag kung saang ospital ito ipinanganak.
Hinala naman ng pulisya na sa lying-in clinic iniluwal ang sanggol at doon na namatay.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pagkakakilanlan ng magulang ng bata at ang posibleng sanhi ng pagkamatay nito.