KRITIKAL ang kalagayan ng apat na obrero kabilang ang isang babae matapos masabugan ng steamer machine, Martes ng hapon, July 22, sa loob ng pabrika sa Brgy. Acacia, Malabon City.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Manila Central University Hospital (MCU) ang mga bikitma na sina Joven Tayco Wiliam Niog, 28, Emily Cacdao, 21, dalaga, at si Marlon Abeño, 26, may asawa, technician pawang mga mangagawa ng Superb Catch, Inc. na matatagpuan sa Brgy. Acacia sa nasabing lungsod sanhi ng mga tinamong tama ng pira-prasong bakal sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ayon sa ulat, alas-3:45 ng hapon ng maganap ang insidente sa loob ng nasabing pabrika sa Maria Clara St. ng nasabing barangay.
Nauna rito, abala sa pagkukumpuni ng nasabing makina si Tayco at dahil sa sobrang pressure ng nasabing machine kaya bigla na lamang sumabog.
Agad itinakbo ang mga biktima sa nasabing ospital ni Jeffrey Uy Chua, may-ari ng nasabing pabrika.
Patuloy nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at inaalam ang pananagutan ng may-ari ng kompanya. Roger Panizal