PATAY ang lalaking angkas habang sugatan ang nagmamaneho matapos sumayad sa gutter ang sinasakyang motorsiklo na naging dahilan ng pagsemplang sa Valenzuela City, Martes ng hapon, Hulyo 22.
Namatay habang ginagamot sa Valenzuela General Hospital (VGH) sanhi ng pinsala sa ulo at katawan si Guillermo Alipio, 39, ng Santiago St., Gen. T. De Leon ng lungsod habang sugat naman sa katawan ang inabot ng driver na si Ronald Olit, 34, ng F. Roxas St., Caloocan City.
Base sa ulat, ala-1 ng hapon, angkas ni Olit si Alipio sa motorsiklo at pagsapit sa pakurbang kalsada sa Maysan Road ng lungsod ay sumayad sa gutter ang gulong ng motorsiklo.
Nawalan ng kontrol sa manibela si Olit na naging dahilan upang sumemplang at humagis ng malayo si Alipio na naging dahilan upang kapwa dalhin sa VGH.
Sumuko naman sa mga pulis si Olit at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. Rene Manahan