TODAS ang isang 6-anyos na lalaki makaraang malason kasama ang buong pamilya sa kinaing butete sa Brgy. Poblacion, Madrigejos, Cebu kaninang alas-6:00 ng umaga.
Ayon kay Dr. Christie Joy Carido-municipal health officer, hindi nila naagapan ang sitwasyon ni Clifford Negro kaya binawian na ito ng buhay.
Base sa impormasyong nakalap ng Madridejos Police Office, kahapon pa pasado alas-5:00 ng hapon nang isinugod ang buong pamilya sa Bantayan District Hospital dahil nakaranas ang mga ito ng pananakit ng ulo, pagsusuka at sobrang pananakit ng tiyan makaraang kumain ng butete para sa kanilang hapunan.
Agad humingi ng tulong ang mga biktima kaya agad na nahatid ang mga ito sa pagamutan.
Ang mga biktima na isinugod sa ospital ay ang mag-asawang Armando, Sr., Maribel Negro pati na ang mga anak na sina Jephane, 17; Ethyl, 15; Armando Jr., 14; Nina Marie, 9; Tayong, 5; at Juminia, 2.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Integrated Provincial Health Office sa nasabing insidente. Marjorie Dacoro