PATAY ang isang construction worker matapos makuryente sa bakod habang nangunguha ng scrap metal sa Valenzuela City, Martes ng umaga, Hulyo 22.
Dead-on-the-spot si Mark Joseph Piogo, 21, stay-in sa Wilex cmpd., Pinagbayanan St., Lingunan ng lungsod.
Sa pahayag ng ka-live-in ng biktima na si Marites Bueno, alas-7 ng umaga kahapon ay nagpunta siya sa Wilex cmpd. dahil ilang araw nang hindi nagpaparamdam ang biktima.
Isang kaibigan ng biktima na nakatira sa malapit sa cmpd. ang nagsabing kagabi ay may narinig siyang sigaw ng lalaki sa madamong bahagi ng lugar at nang puntahan alas-11 ng umaga ay nakita ang bangkay ng biktima na naging dahilan upang itawag sa mga pulis.
Lumalabas na may nakapulupot na wire sa biktima habang ang dulo ay nakakabit sa fuse box sa poste na nakalubog sa tubig at may wire din na nakakabit sa nasabing poste na ang dulo ay nakakabit naman sa isang yero na nagsisilbing bantay sa mga magnanakaw.
Kagabi ay nakita pang buhay ang biktima kung saan hinahanap pa si Charlie Pilapil, private guard, ng nasabing lugar na hindi na rin makita nang matagpuan ang bangkay ng nasawi upang matanong kung may alam sa pagkakabit ng live wire sa nasabing lugar. Rene Manahan