NAKATANGAY na ng tumataginting na P1.5-milyon, pinatay pa ng mga kawatan ang maybahay ng isang retiradong pulis sa Butuan City nitong Martes ng gabi, Hulyo 22.
Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan at namatay noon din ang biktima na si Edna Curitana, 59, asawa ni retired P/Senior Supt. Celso Curitana.
Sa ulat, nadiskubre ang bangkay ng ginang dakong 10:45 nitong Martes ng gabi sa may sala ng kanyang bahay.
Ayon kay Celso, nagtaka siya kung bakit nakabukas ang kanilang pintuan nang dumating siya mula sa bahay ng kaibigan.
Kinutuban, agad siyang pumasok ng kanilang bahay at bumulaga sa kanya ang nakahandusay niyang asawa na naliligo sa dugo.
Bukod dito, nawala na rin sa ayos ang kanilang kuwarto at nawawala na rin ang kanilang mga alahas na nagkakahalaga ng P1-milyong at ang P500,000 na nakatago sa kanilang cabinet.
Sa pagsisiyasat, lumabas na maaring nanlaban ang biktima kaya pinagsasaksak ito ng mga suspek. Robert C. Ticzon