NASAKOTE ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang kilabot na tulak ng shabu at kasama nito sa isinagawang buy bust operation sa Sarangani province, nitong Pebrero 19.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga nahuling suspek na sina Alban Escanilla, 37-anyos, isang merchandiser/purchaser at residente sa Purok Masagana, Poblacion, Alabel, Sarangani Province; at Mesmer Belinario, 31, negosyante mula sa Purok 5, Cogonal, Alabel, sa nasabi ring lugar.
Ayon kay Cacdac, si Escanilla ay panglima sa kanilang tinutugis sa Central Mindanao at malaki aniya ang magiging epekto sa suplay ng shabu sa buong probinsya ang pagkakahuli dito.
Sa inilunsad na operation sa kahabaan ng Balimbing Street, Purok Mabuhay, Poblacion, Alabel, Sarangani Province, naaresto ang mga suspek na nahulihan ng tatlong gramo ng shabu, mga drug paraphernalias at P500 marked money.
Hawak na ngayon ng PDEA Regional Office 12 (PDEA RO-12) Sarangani Special Enforcement Group, ang dalawa.
Inihahanda na ng PDEA ang mga kasong isasampa sa mga suspek kaugnay sa paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.