NAG-ALALA ang pamilya ng walong-taong-gulang na babae sa bayan ng Bacacay sa Albay matapos may matagpuang naaagnas na putol na paa ng tao sa masukal na bahagi ng kanilang lugar.
Una nang napaulat na nawawala ang batang si Laiza Czherina Alfonzo, ng Bgy. Napao nitong Hulyo 27 at hanggang sa ngayon ay wala pang balita ang kanyang mga kamag-anak sa kanyang kinaroroonan.
Agad namang sinuyod ng mga tauhan ng Bacacay Municipal Police Station (MPS) ang masukal na lugar kung saan natagpuan ang putol na paa sa pag-asang matagpuan ang iba pang bahagi ng katawan ng biktima.
Nakatakdang isailalim sa forensic examination ang amputated leg para sa patuloy na imbestigasyon habang pinag-aaralan din ang pagsasagawa ng DNA testing sa paa upang matukoy kung ito nga ay pagmamay-ari ng nawawalang bata. Marjorie Dacoro