TIGBAK ang isang construction worker matapos makuryente sa harap ng isang gusali sa Cubao, Quezon City kaninang umaga, Agosto 6, Miyerkules.
Kinilala ang biktima na si Rowell Aquino, 30, ng No.35-A Sto. Cristo, Balintawak, QC.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong 11:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa No. 5 Denver St. cor. New York, Brgy. Immaculate Concepcion, Cubao, QC.
Nabatid na nagbubungkal ng lupa ang biktima para gumawa ng septic tank kasama ang kasamahan nitong construction worker na si Cedrick Pineda.
Ayon kay Pineda, nakuryente ang biktima habang nagbubungkal ng lupa gamit ang isang mini jack hammer at nakaligtas lamang siya nang tumapak sa mataas na bahagi ng lupa upang mailigtas ang sarili.
Agad na isinugod ang biktima sa St. Luke’s Medical Center (SLMC) subalit idineklara itong dead-on-arrival. Santi Celario