UNTI-UNTING lumulubog sa lupa ang 14 bahay sa Sitio Kiangan Village, Camp 3, Tuba, Benguet.
Ayon sa mga residente, aabot sa 60 indibidwal ang nanganganib na mawalan ng tahanan dahil sa nasabing insidente.
Ayon sa residenteng si Pacita Barril, matagal na silang naninirahan sa nasabing lugar at nagsimula nilang maramdaman ang paglubog ng lupa matapos ang killer quake noong 1990.
Sa pagsisiyasat, halos isang metro na ang lumubog na bahagi ng lupa na kinatatayuan ng kanilang mga bahay.
Sinabi nito na tuwing tag-ulan ay hindi sila nakakatulog nang maayos dahil nararamdaman nila ang paggalaw ng lupa at nakakarinig pa ang mga ito ng tila tunog ng mga bato mula sa ilalim nito.
Hinala ng mga residente, ang nasabing lugar ay nasira dahil sa underground tunnel ng Philex Mining Company.
Dahil dito, umaapela sa pamahalaan ang mga residente roon na mabigyan sila ng kaukulang tulong na tulad ng relocation.
Ayon kay Barril, noong nakaraang taon ay aabot lamang sa tig-P2,000 ang ibinigay na tulong ng Tuba Municipality sa mga apektadong residente doon. Marjorie Dacoro