IPAGBABAWAL na sa Quezon City ang riding-in-tandem o ang magkaangkas na sakay ng motorsiklo.
Ito’y makaraang imungkahi at ipanukala kanina Agosto 11, 2014, Lunes ni Quezon City 2nd. District Councilor Ramon “Toto” Medalla ang mahigpit na pagbabawal sa magkaangkas na sakay ng motorsiklo upang masawata ang lumalalang kriminalidad sa lungsod na kagagawan ng riding-in-tandem.
Sinabi ni Medalla, mahirap masolusyunan ang problema ng riding-in-tandem na ginagamit sa kriminalidad dahil sa mabilis itong nakakatakas sa sandaling isagawa ang krimen.
Idinagdag pa nito na maaaring mabawasan kundi man tuluyang masolusyunan ang matagal nang problema ng krimen na ang ginagamit ay ang magkaangkas na sakay ng motorsiklo.
Samantala, kaugnay nito, mariin naman tinutulan ng small riders motorcycles na miyembro ng Quezon City Motorcycle Riders ang panukalang ordinansa sa paggamit ng vest at printed numbers sa motorsiklo na sinasakyan ng mga riders at backriders na sakop ng Q.C.
Sinabi ng grupo na hindi malulutas ng naturang panukala ang pagsusuot ng vest sa lumalalang krimen sa lungsod Quezon. Santi Celario