PINAALALAHANAN ng Pasay City Police ang publiko na mag-ingat at maging mapagmatyag lalo na ang mga sumasakay sa taxi makaraang kamuntik nang mabiktima ng nakalalasong amoy ang isang 23-anyos na babae matapos mag-spray ng pabango ang isang taxi driver kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Swerte namang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang biktimang si Valarie Joyce Ty, marketing coordinator, ng Reposo St., Sta. Mesa, Manila, makaraang makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang pulis sa kahabaan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex.
Sa inisyal na imbestigasyon ni P02 Melvin Garcia ng Station Investigation and Detective Management Branch, alas-9:30 ng gabi nang sumakay siya sa isang taxi na may plakang TYR-439 sa tapat ng Pagcor Casino sa Macapagal Avenue, Paranaque City patungong Sta. Mesa.
Ayon sa biktima, habang binabaybay nila ang kahabaan ng Roxas Blvd. ay nag-spray ng pabango ang taxi driver mula sa kanyang aircon kung saan nakaramdam siya ng hilo pagsapit sa tapat ng CCP Complex.
Agad siyang nagtakip ng panyo sa ilong at binaba niya ang salamin ng bintana ng nasabing taxi.
Dahil dito, sinabi ng biktima sa driver na bababa na lamng siya ngunit sa halip na ihinto ay bigla pa umano nitong pinaandar nang mabilis ang taxi.
Nagkaroon ng trapik pagsapit sa tapat ng Philippine National Bank (PNP) building malapit sa CCP Complex na naging pagkakataon niya para bumaba sa nasabing lugar.
Tiyempo namang nagpapatrolya ang ilang mga tauhan ng PCP-1 kung saan agad na nakahingi ng tulong ang biktima kay PO1 Suyu.
Agad naman pinaharurot ng driver ang kanyang minamanehong taxi palayo sa nasabing lugar.
Ayon sa biktima, nasa 35 – 40-anyos ang driver, naka-pulang polo shirt at bull cap, mahaba ang buhok at may katamtaman ang pangangatawan.
Agad namang inatasan ni Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng SIDMB ang kanyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) upang alamin kung sino ang operator nang nasabing taxi at makilala ang driver nang maganap ang insidente. Jay Reyes