ARESTADO ang dalawang bugaw kabilang ang isang ginang sa isinagawang rescue operation sa dalawang menor-de-edad sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang nga suspek na sina Catherine Go, 30, ng 1476 Quirino St. at si Lorenzo Mendoza, 33, ng 1809 F. Varona St., pawang ng Tondo, Maynila.
Nauna rito, nagsagawa ng rescue operation sa pangunguna ni Chairwoman Angela ‘Nene’ Ching ng Brgy. 85, Zone 7, Tondo, Manila at ng kanyang mga kagawad sa bahay ng isa sa suspek.
Ito’y matapos na humingi ng saklolo sa barangay ang mga magulang ng mga biktimang pawang mga menor-de-edad na itinago sa pangalang “Sheila” at “Marian” na ilang araw na umanong hindi umuuwi ng bahay.
Lango pa umano sa ipinagbabawal na gamot ang mga biktima nang masagip kaya hindi sila makausap ng matino.
Napag-alaman na pinagagamit ng mga suspek ng iligal na gamot ang mga biktima tuwing ibubugaw sila sa mga parokyano.
Itinurn-over na sa pulisya ang mga suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanila. Jocelyn Tabancura-Domenden