KAPWA sugatan ang magkapatid matapos saksakin ng bote ng beer ng kanilang tatlong kainuman makaraang magkasagutan habang nagtatagayan kaninang madaling-araw sa Malabon City.
Sina Jonathan Flores, 28, supervisor at Joseph Flores, 29, merchandiser, kapwa ng #73 Celia St., Brgy. Tinajeros ng nasabing lungsod ay nagtamo ng saksak sa ulo at katawan.
Kasalukuyang namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa mga suspek na nakilalang sina Andy Manahan, Bert de Leon at Richard Sablan na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong 3:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng M.H. del Pilar St., Brgy. Tugatog ng naturang lungsod.
Bago ito, nag-iinuman umano ang mga biktima at ang mga suspek nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo hanggang sa bigla na lamang saksakin ng tatlo ang magkapatid.
Matapos ito, mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima. Roger Panizal