TIGBAK ang isang ginang makaraang barilin ng riding in-tandem habang nakatayo sa kanyang sari-sari store sa Quezon City kaninang umaga, Agosto 14, Huwebes.
Kinilala ang biktima na si Marilou Otayde, 43, may-asawa ng Senatorial St., Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dalawang suspek ang sangkot sa nasabing krimen na sakay ng itim na motorsiklo na walang plaka at mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Naganap umano ang insidente sa may loob ng sari-sari ng biktima dakong 10:15 ng umaga.
Ayon sa anak ng biktimang si Mark, nakatayo umano siya malapit sa lugar nang makarinig ng malalakas na putok ng baril mula dito.
Nang kanyang lingunin ay nakita niya ang isang armadong suspek na sumakay sa naghihintay na kasamahang nasa motorsiklo saka mabilis na tumakas.
Isinugod ang biktima sa Quezon City General hospital subalit ‘di na umabot ng buhay. Santi Celario