NAKALIGTAS sa tiyak na kapahamakanan ang may 100 pasahero ng isang passenger airplane kabilang ang mag-asawang Tacloban City Mayor Alfred Romualdez at ang misis nitong si Konsehala Cristine Gonzales nang magkaaberya ang kanilang sinasakyang eroplano habang nasa himpapawid kaninang 8:05 ng umaga (Agosto 15).
Sinabi ni Bacolod Mayor Monico Puentebella, hindi ipinaalam ng dalawang piloto ng Cebu Pacific flight 5J475 na hindi nakuha ang mga pangalan na nagkaroon ng mechanical trouble ang kanilang sasakyan.
“Basta inanunsyo aniya ng mga piloto na babalik ang eroplano sa NAIA Terminal 3 pero hindi na ipinaliwanag kung ano ang dahilan para hindi mag-panic ang mga pasahero, pahayag ni Puentebella.
Ilan naman aniya sa mga pasahero ang naghaka-haka na may naging problema sa pagpalag sa Bacolod- Silay airport kaya babalik sila sa Maynila.
Lingid sa mga pasahero at mag-asawang Romualdez, may nararanasang mechanical problem ang naturang eroplano.
Nakahinga na lamang ng maluwag ang mga piloto nang makalapag na sila sa NAIA terminal 3 at walang nangyaring masama sa kanila habang sila ay nasa himpapawid pa.
Mabilis namang inilipat sa ibang flight ang mga naistorbong mga pasahero upang makabiyahe muli patungong Bacolod.
Papunta ang mag-asawang Romualadez at ang South Korean representative sa Bacolod City para dumalo sa kauna-unahang Bacolod-Korea Friendship Festival ngayong araw. Robert Ticzon