ISA ang patay habang tatlo naman ang nasugatan sa pamamaril ng limang kalalakihang sakay ng tatlong motorsiklo sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kaninang madaling-araw Agosto 16, Sabado.
Kinilala ang nasawi na si Ariel Bigonte, 27, binata, walang trabaho ng Adarna St., Brgy. Commonwealth, QC na idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
Nasugatan naman ang mga biktimang sina Rowena Encarnacion, 44, ng Adarna St., Brgy. Commonwealth, QC, Alejandro Encarnacion, 49, ng 22 St. Joseph St., Brgy. Holy Spirit, QC at Mary Grace Lorego, 44, may-asawa ng 5014 Unit 5, Purok 8, Adarna St., Brgy. Commonwealth, QC na kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan.
Ayon kay SPO1 Alejandro Camacho ng Quezon City Police District station 6- Batasan, naganap ang insidente sa kahabaan ng Unit 5 Bato-Bato St., Brgy. Commonwealth, QC dakong 12:30 ng madaling-araw.
Sinabi sa ulat na magpapahinga na sana ang mga biktima nang biglang dumating ang limang kalalakihan sakay ng tatlong motorsiklo na pawang nakasumbrero, naka-puting t-shirt at maong pants nang pagbabarilin ang mga biktima.
Agad nagtamo ng sugat sa kanilang katawan ang mga biktima matapos ang pamamaril.
Nabatid pa sa ulat na ang puntirya umano ng mga suspek ay ang biktimang si Bigonte at nadamay lamang umano ang ibang nasugatan.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis para matukoy ang mga suspek sa naturang krimen. Santi Celario