UTAS ang dalawang hinihinalang holdaper matapos makipagbarilan sa pulis nang holdapin ng una ang isang gasolinahan sa Bgy. Baesa, Quezon City kagabi, Agosto 17, Linggo.
Inilarawan ng mga pulis ang isa sa mga nasawi ay 30 – 35 taong gulang, may taas na 5’8, naka-black na jacket, maong pants at ang isa naman ay 40 – 45-anyos, 5’6 ang taas at puro tattoo ang katawan.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa Orange Fuel gasoline station sa kahabaan ng Quirino Highway, Jordan Valley subd., Baesa, QC dakong 7:00 kagabi.
Dumating umano ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo at bumaba ang isa saka tinutukan ang kahero nito na si Jerome Tabora, 20, saka nagdeklara ng holdap.
Nagkataon naman na nagpapagasolina rin ang pulis na si PO2 Cesar Tolentino ng Caloocan City Police District kung saan humingi ng tulong ang isang gasoline boy.
Ayon pa sa ulat, sinubukang kausapin ni Tolentino ang holdaper at sinabihang sumuko na lang ngunit agad itong sumakay sa motorsiklo na nakaabang tangay ang perang nagkakahalaga ng P530.00.
Bago humarurot, pinaputukan ng backrider ang pulis kaya agad din nitong pinagbabaril ang dalawa.
Isinugod ang mga suspek sa East Avenue Medical Center (EAMC) subalit binawian na rin ng buhay. Santi Celario