NATANGAY ng mga armadong kalalakihan ang isang ginang habang nakatakas naman ang mister nito sa Zamboanga City nitong Lunes ng gabi, Agosto 19.
Ang biktima na nakilalang si Michelle Panes, ay isinakay ng mga kidnappers sa isang naghihinatay na pump boat at dinala sa Basilan province.
Habang isinusulat naman ang balitang ito ay wala pang natatanggap na tawag ang pamilya ng biktima sa mga suspek para sa kaukulang ransom money.
Hinahanting na ngayon ng awtoridad para panagutin sa krimen ang may pito hanggang 10 armadong kalalakihan.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 7 nitong Lunes ng gabi sa mismong tindahan ng mag-asawang Panes sa may Barangay Labuan, Zamboanga City.
Bago ito, nasa kanilang maliit na tindahan ang naturang ginang at ang mister nitong si Noel na malapit lamang sa dalampasigan.
Maya-maya ay sumulpot ang mga suspek at tinangkang tangayin ang mag-asawang Panes.
Pero naipagtanggol ni Noel ang sarili at ang komosyon ay nakatawag pansin sa mga nagpapatrolyang pulis na humantong sa maikling sagupaan.
Gayunpaman, nabitbit ng mga suspek ang naturang ginang. Robert Ticzon