NANAWAGAN ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga jailguards na maging alerto at mas higpitan ang pag-escort sa mga bilanggong sangkot sa malalaking kaso kagaya ng sa iligal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., hindi aniya dapat na maluwag ang paglalatag ng seguridad sa mga ihahatid na bilanggo sa mga court hearing.
Magugunitang nitong Pebrero 23 lamang ay tatong bigtime Chinese drug lords ang dinukot ng mga armadong kalalakihan habang inihahatid ng mga provincial guard sa isang court hearing sa Trece Martirez City, Cavite.
Sakay ng provincial jail vehicle ang tatlong detenidong Chinese na sina Li Lan Yan, alias Jackson Dy; Wang Li Na; at Li Tian Hua, nang harangin ito ng may 20 armadong kalalakihan na pawang nakamaskara at sakay ng dalawang van.
Dinisarmahan umano ng mga suspek ang mga jail guard bago kinuha ang tatlong Chinese at itinakas sakay ng dalawang van.
Naniniwala ang PDEA na maaayos ang sistema sa seguridad ng mga humahawak ng mga bilanggo at umaasa ang ahensiya na maibabalik muli sa kulungan ang mga pugante.