LAGLAG sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang bagitong pulis na nagtutulak ng ipinagbabawal na droga sa inilunsad na entrapment operation sa General Santos City, kamakailan.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nahuling suspek na si Police Officer 2 Villamor Domingo, Jr., 31 anyos, nakatalaga sa Police Regional Office 12-Service Company at residente sa Barangay San Isidro, General Santos City.
Nauna rito, nakipagkasundo ang suspek sa isang undercover agent ng PDEA Regional Office 12 (PDEA RO12) para sa bilihan ng shabu sa harap ng isang barber shop sa Laurel North, Barangay Dadiangas North, General Santos City, nitong Pebrero 20.
Matapos tanggapin ni Domingo ang marked money kapalit ng shabu ay dito na siya dinakma ng mga tauhan ni Director Aileen Lovitos ng Special Operation Group.
Nakumpiska sa suspek ang kanyang mobile phone at Honda XRM motorcycle na may plakang 5999 MR at dalawang P1,000 marked money na ginamit sa transaksyon.
Kinasuhan si Domingo ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.