HINDI umubra ang bilis ng kamay ng isang kilabot na mandurukot na kahit sa loob ng bra ay nakulimbat nito ang nakatagong pera ng isang natutulog na negosyante sa Pangasinan kaninang umaga (Pebrero 23).
Sa sobrang pagkalikot sa dibdib, nagising sa pagkakatulog ang biktimang si Estela Pengson, 51-anyos, pero sinuntok siya sa mukha ng suspect na si Eyan Java kaya ito nakatakbo dala ang kanyang P16,000 na kinita niya sa pagtitinda ng bulaklak.
Hindi naman nawalan ng pag-asa ang biktima at agad nakapagsumbong sa pulisya na humantong para makorner ang suspect sa maikling habulan.
Nabawi sa suspect ang pera ni Pengson.
Ayon sa biktima, bago ang insidente ay nakatulog siya sa sobrang pagod sa pagtitinda ng kanyang negosyong flower shop at hindi namalayan na nakapasok na pala ang suspect sa loob nito.
Dahil kabisado ang pinagtataguan na pera at sa akalang malalim ang pagkakatulog, dahan-dahang ipinasok ng suspect sa ilalim ng bra ng biktima ang kanyang kanang kamay upang kunin doon ang kinita ng babaeng negosyante.
Pero dahil nakiliti, nagising si Penson pero bigla siyang sinapak ng suspect at saka itinakbo ang kanyang pitaka na naglalaman ng nabanggit na halaga.