NAUWI sa trahedya ang selebrasyon ng araw ng pagkakatatag ng bayan ng Trinidad matapos mag-amok at maghagis ng hand grenade ang isang lasing na lalaki pasado alas-4:30 kahapon sa loob mismo ng public market sa Bohol.
Ayon kay Supt. Joie Yape, Jr., tagapagsalita ng Bohol Provincial Police Office, inihayag nito na nasa kalagitnaan ng pagdiriwang nang inihagis ni Dinoberto Fuentes, ng Purok 7, Barangay San Vicente, ang granada at agad sumabog.
Ikinasawi ito ng dalawang katao na sinaNestor Bernales at Fidela Cajes Macua, tindero ng naturang palengke.
Samantala, kritikal pa ang kondisyon ng tatlo mula sa 12 nasugatan sa nasabing pambobomba.
Pero agad namang nahuli ng Trinidad Police si Fuentes kung saan nakunan pa ito ng ilang pakete ng shabu at marijuana at sinasabing lasing at nasa impluwensya ng iligal na droga.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng suspek at kung anong klaseng hand grenade ang ginamit sa naturang pagpapasabog. Marjorie Dacoro