SWAK sa kulungan ang isang mag-asawa at kanilang anak sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Iloilo City.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang dinakip na suspek na sina Mario Canlas Sr., 61, misis na si Leonida, 58, at anak na si Leomar Canlas, 21, pawang ng Zone 2, San Juan, Molo, Iloilo City.
Ayon sa PDEA, alas-3:30 ng hapon naglunsad ang PDEA Regional Office 6 Special Enforcement Team Special Enforcement Service-Special Weapons Assault and Tactics ng buy-bust operation sa Zone 2, San Juan, Molo, Iloilo City.
Isang PDEA agent na nagpanggap ng poseur-buyer ang nakipagtransaksyon kay Leomar Canlas at bumili ng maliit na plastic sachet ng shabu sa isang Jessica.
Matapos makapasok sa bahay ng suspek ang naturang PDEA agent ay agad nagbigay ng signal ang huli at dinakip ng mga operatiba sina Leomar, Mario at Leonida.
Ang pagdakip sa pamilya Canlas ay matapos ipatupad ang search warrant na inisyu ni Honorable Victor Gelveson ng Regional Trial Court Branch 36 sa Iloilo City.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang piraso ng maliit na plastic sachets ng shabu, dalawang piraso ng gunting, apat na piraso ng kulay green at orange na plastic straws at P500 marked money. Santi Celario