ISASAILALIM na sa inquest proceeding ngayong umaga ang TV host-singer na si Billy Crawford kaugnay sa pagwawala nito sa police station sa Taguig City kahapon ng madaling-araw.
Mahaharap si Crawford sa patong-patong na kaso matapos magwala at masira ang glass door ng Taguig Police Station 7.
Simula kahapon ng madaling-araw ay nakakulong sa presinto si Crawford at ngayong araw pa ito maglalagak ng piyansa.
Dinalaw naman si Crawford ng mga kaibigan, manager na si Arnold Vegafria at kasintahang si Coleen Garcia.
Una rito, inamin ni Crawford na lasing siya at stressed nang mangyari ang insidente.
Tumungo umano sila ng mga kaibigan sa The Fort para magsaya ngunit nalasing siya at tumungo ng police station para magpa-hold dahil sa pangamba na makasakit siya o mapinsala ang sarili bunsod ng kalasingan.
Aminado ang TV host na kasalanan niya ang nangyari dahil sa pagiging iresponsable.
Pero iginiit ni Crawford na wala siyang nasaktan at tanging ang salamin lang umano ang kanyang nabasag.
Humingi na ng paumanhin si Crawford sa police station, subalit determinado naman si C/Insp. Jonathan Aride, hepe ng Taguig Police Station 7, na sampahan ng kaso ang TV host. Johnny Arasga