PATAY ang isang babaeng pasahero nang aksidenteng tumagilid ang sinasakyan nitong bus sa Barangay Tabon Tabon, Sibagat, Agusan del Sur, kahapon, Linggo.
Matinding paghampas ng ulo ng biktimang si Josie Joy Macas, 32, ng Cagayan de Oro City ang dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Una rito, lulan ang 24 pasahero papunta sa Butuan City ang Bachelor Bus mula sa Bislig City nang maaksidente.
Sa imbestigasyon ng Sibagat Police, nag-overtake sa isang motorsiklo ang bus pero may nakasalubong itong isa pang sasakyan dahilan upang bumalik ito sa pinanggalingang lane.
Doon na nahulog sa kanal at tumagilid ang bus na nagresulta ng pagkasugat ng lima pang pasahero.
Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver ng bus na si Edgardo Sarta. Johnny Arasga