SUGATAN ang isang imbestigador ng Manila Police District (MPD) nang manlaban ang isang lalaking kanilang inaresto sa kasong murder may isang taon na ang nakalilipas sa bisa ng warrant of arrest sa Tondo, Maynila.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng MPD-homicide section ang suspek na si Jay Talavera, alyas “Kalbo”, ng G. Santos St., Gagalangin, Tondo, Maynila.
Nagtamo naman ng pasa at sugat sa katawan si SPO1 Rommel Del Rosario ng MPD-homicide sa naganap na habulan at pagpalag ni Talavera nang arestuhin ito.
Sa ulat, bitbit nila ang warrant of arrest upang arestuhin si Talavera ngunit pumalag ito at tumakas na dumaan pa sa bubungan ng bahay ng kanyang mga kapitbahay.
Nagkahabulan pa sa pagitan ng mga tauhan ni Insp. Steve Casimiro, Hepe ng MPD-homicide, kabilang si Del Rosario at SPO3 Paul Dennis Javier hanggang sa nakarating sa bubungan ng isang 3rd floor na bahay.
Nang mahuli, nanlaban ito kay Del Rosario dahilan ng pagkakasugat nito, ngunit nanaig din ang awtoridad at naaresto si Talavera.
Si Talavera ay suspek sa pagkamatay ng isang Alex Torres, 35, ng 2816 Danganan St., Gagalangin, Tondo noong July 21, 2013.
Si Torres ay natagpuang patay sa harapan ng kanilang bahay na hinihinalang pinukpok sa ulo ng mga suspek.
Hinalang niresbakan ng suspek si Torres na tatlong araw pa lamang nakalalaya mula sa pagkakakulong sa kasong robbery. Jocelyn Tabangcura-Domenden