KUMPIYANSA ang pamilya at abogado ng international car race champ na si Enzo Pastor na ang kanilang kaso laban sa self-confessed killer na si P02 Edgar Angel ay matibay at may matibay na ebidensya sa kabila ng pagbaliktad nito kahapon, Setyembre 8, na pinuwersa lamang siya ng pulisya para akuin ang krimen.
“May una na siyang dalawang statement. May TV interview siya. May mga independent evidence kami. May isa pang witness na identified siya as gunman,” pahayag ng abogado ni Pastor na si Atty. Ricky dela Cruz.
Ang tinutukoy ni Dela Cruz ay ang TV interview ni ABS-CBN News anchor Noli de Castro sa pag-amin ni Angel na siya mismo ang bumaril kay Pastor.
“Yung interview niya kay Kabayan makikita sa eksena na malaya siyang nagsasalita. Walang nakatutok na baril sa kanya.”
Bukod dito, may isa pa aniyang testigo na magpapatunay na si Angel ang tunay na gunman. “May buhay na saksi na nakakita sa kanya, at buhay ang witness na ito. Ito ang crucial na witness.”
Maski si Tomas Pastor, tatay ni Enzo, ay nagulat din sa bagong rebelasyon ni Angel pero naniniwalang papanigan sila ni fiscal Susan Villanueva at titiyakin na may solid case sila laban kay Angel.
“Nalulungkot kami at nag-aalala sa pamilya ng gunman. Naaawa kami. Nalilito siya ngayon. Napaka-relaxed niya sa interview niya kay Kabayan,” pahayag naman ng nanay ni Enzo na si Remedios.
Nararamdaman ng lahat ng pamilya Enzo na under threat si Angel kaya bigla itong bumaliktad sa kanyang unang salaysay.
“Inamin ng tatay, asawa, under threat siya kaya niya ginawa ito,” pahayag pa ni Mrs. Pastor at sinabing nagdadasal sila na siya’y maliwanagan at huwag matakot.
Ang mga abogado ni Pastor ay binigyan ng hanggang bukas, Miyerkules, para sagutin ang pagbaliktad ni Angel.
Ang piskal naman na may hawak sa kaso ay mayroong hanggang sa Biyernes para magdesisyon kung sasampahan ang akusado ng kasong murder. Robert Ticzon